“Magulong kapaligiran, sa’yo lang ang tingin.”

ji
2 min readJul 17, 2024

--

Sa gitna ng ingay, ikaw ang naging katahimikan.

ctto.

Sariwa pa sa aking alaala na tila ba'y ilang segundo lamang ang nagdaan...

Busina ng mga sasakyan at ingay ng mga tao sa paligid; iyan ang bumalot sa aking pandinig. Naglalakad at nagmamadali na akala mo’y mahuhuli na sa klase habang nakayuko at walang pakialam sa mga bagay-bagay sa mundo.

Ngunit sa pag-angat ng aking tingin, ikaw ang natagpuan. Aminado akong hindi na masyadong malinaw ang aking paningin, ngunit, noong mga oras na iyon ay tila ba'y wala nang mas lilinaw pa kundi ang iyong mukha.

Tumigil ang oras at nawala ang lahat ng ingay sa mundo. Umalingawngaw ang kabog ng aking puso at halos mabingi ako sa katahimikan na hindi ko alam kung saang lupalop nanggaling.

Pinilit kong ibalik ang aking sarili sa reyalidad hindi dahil gusto ko kundi kailangan ko. Iniwas ko ang aking tingin mula sa'yo at nagpatuloy sa paglakad habang ang isip ko ay puno ng ikaw.

Subalit sa gitna ng ingay ng aking isipan, alam mo ba na ang hindi ko lubos na maunawan ay kung bakit ko aligagang iniyuko ang aking ulo na para bang iniiwasan ko na magkatagpo ang ating mga mata, na para bang natatakot ako na baka nakita mong nakatingin ako sa'yo.

Ang torpe ko, ano? Pero anong magagawa ko? 'Yun ang unang beses na nakita kita.

At sa mga sandali ring iyon, napagtanto ko na mayroon pa nga talagang natitirang katahimikan kahit gaano pa man kagulo ang mundo.

--

--

ji
ji

Written by ji

0 Followers

I just want to escape.

No responses yet